Daplis ng hinagpis, sa malulungkot kong talampakan
Pilit kong dinadaloy itong makipot na daanan
Astang reyna habang nakikipagtulakan sa pulutong ng kababaihan
Bakit pa ba ako nakikipagsiksikan sa hinaharap kong kahirapan?
Gitgitan,halakhakan, gobyerno, at tsismis na may kasamang pulutan
Putak ng putak ang mga palad na uhaw sa kung anumang ginintuan
San nga ba ako dadalhin ng mga tenga kong nakikipagbulyawan?
Katawan ko’y nakagapos at alila ng bayang entablado ng kaguluhan
Minu-minutong pait, nakaw na oras ng panglalait
Ibinubuwag ng kanyang diwa sa platapormang puno ng sakit
Mga katago-tagong lihim ng kanilang baluktot na pagiisip
Aking narinig, at pinaglaruan sa mumunting saglit
Muli sayo, ako’y sasakay..mahabang riles na tinatahak sana, ay tagumpay
Habang yakap ang aking sarili, mga tuhod kong nalulumbay
Pakikinggan ulit mga pangarap nilang nakahandusay
Nanlalambot..hanggang sa susunod, ang ating masigabong pagninilay.